Apela Sa Mga Kabataang Botante

Nakakatuwang isipin na marami rami na rin ang mga taong namumulat sa katotohanang ang paghingi ng plataporma sa mga kandidato ang isa sa mga simpleng hakbang tungo sa pagbabago ng takbo ng politika dito sa ating bansa.

Nakakatuwang marinig ang ilang mga kabataan na nagtatanong tanong kung ano nga ba ang plataporma ng mga kandidato. Isa na rito ang aking pamangkin na nag-aaral sa isang unibersidad dito sa Metro Manila. Sa kanyang simpleng pamamaraan nagagawa niyang imulat ang isipan ng kanyang mga kaibigan sa bagay na ito. Minsan na rin niyang naikuwento sa akin na marami sa kanyang mga kaibigan ang nagiging aktibo na rin sa pagsusuri tungkol sa mga plataporma. Umaasa ako na mas darami pa ang kanilang bilang habang papalapit ang araw ng halalan.

Nakakalungkot nga lamang malaman na marami pa rin ang bulag o nagbubulag-bulagan sa malaking tulong na magagawa ng aktibong paghingi ng plataporma mula sa mga kandidato. Nakakabahala rin na kabilang sa mga taong ito ang ilang mga hinahangaang personalidad. Gamit ang kanilang impluwensya pilit nilang pinaniniwala ang mga tao na hindi mahalaga ang plataporma. Labis na nakakalungkot na sa kabila ng mga pahayag ng mga taong ito na sila ay para sa pagbabago kitang kita naman na taliwas sa adhikaing ito ang kanilang ginagawa.

Higit na nakakalungkot na bagamat marami na nga ang nakakaintindi sa halaga ng mga plataporma mas marami pa rin ang nagmamatigas na sapat na ang karakter, track record at kung ano ano pang bagay na wala namang direktang kinalaman sa mga usaping tungkol sa hinaharap.

Huwag na lang kaya tayo umasa ng anumang pagbabago. Huwag na siguro dahil mapapagod lang tayo gayong mas marami pa rin ang mga taong kuntentong binobola at inaaliw na lamang kaysa mabigyan ng tunay na impormasyong makakatulong para sa pagpili ng tamang kandidato. Huwag na siguro tayo umasa sa pagbabago dahil mas marami pa rin sa atin ang natutuwang inuuto uto na lamang.

Pero sa kabilang banda bakit nga ba tayo magpapatalo sa mga taong kunwari gusto ng pagbabago pero lumalabas naman na mas pabor silang makitang namamayagpag pa rin ang kasalukuyang sistema.

Pagbabago ba talaga ang hanap natin? Pagbabago saan? Sa mga mukha ng mga mamumuno sa atin? Sa papel ng mga ordinaryong tao sa takbo ng pamamahala sa ating bansa?

Kung ako ang tatanungin, gusto ko ng pagbabago sa papel ng mga ordinaryong tao sa takbo ng halalan at higit sa lahat sa pagtitiyak na tunay na magtatrabaho ang mga ihahalal nating pinuno para sa ikabubuti ng Sambayanang Pilipino.

Para sa akin magagawa lamang natin ito kung alam natin ang mga detalyadong plano ng mga kandidato. Mas masusukat natin ang pagtatrabaho ng ating mga pinuno kung alam na natin kung ano nga ba ang kanilang planong gawin bago pa man sila maupo sa puwesto. Kung magiging totoo rin tayong mapagbantay mas malaki rin siguro ang posibilidad na tutuparin ng mga halal na pinuno ang kanilang mga plano.

Sa mga tunay na nagnanais ng pagbabago, may magagawa tayo. Huwag tayong pumayag na hindi maglabas ng mga detalyadong plano o plataporma ang mga kandidato mula sa pinakamataas na puwesto hanggang sa pinakamababa.

Partikular akong umaapela sa mga bagong botante lalo na doon sa mga kasalukuyang naka-enrol sa kolehiyo. Tumulong kayo sa panawagang ito. Plataporma, Plataporma, Plataporma! Iyan ang mahalaga.

Marami kayong puwedeng gawin. Isa na dito ang pagpapakalat ng mensaheng ito sa mga kapwa ninyo estudyante at sa inyong mga pamilya. Kung makakatulong sa inyo gamitin ninyo ang dokumento na makikita ninyo sa link na ito. Kung may blog kayo sumulat kayo ng artikulo kung saan inihayayag ninyo ang inyong kagustuhang malaman kung ano ba talaga ang planong gawin ng ating mga kandidato sa ating bansa. Kung miyembro kayo ng mga student organization, hikayatin ninyo ang inyong mga kasamahan na gawing adbokasya ang panawagan para sa plataporma.

Hindi lang ako sigurado kung mas mulat na nga ba ang mga kabataan ngayon sa mga isyu. Sa pagkakaalam ko kasi puro gimik, games, Facebook, pagte-text at kung ano ano pang kababawan ang mas umuubos sa kanilang mga oras. Sana mali ako. Ganunpaman, sa kabila ng aking agam-agam aasa pa rin ako na makakatulong ang mga kabataan sa pagsusulong ng pagbabagong tunay at hindi showbiz.

Share

About bp

2 Responses to “Apela Sa Mga Kabataang Botante”

Read below or add a comment...

  1. Hyden Toro says:

    Platforms are like Contracts from Candidates with the
    people. They are the TO DO LIST of what Candidates will
    do when elected. You dont hire Contractors without
    written contracts. Do you?

    They are also a guidelines to see the promises they fullfilled after they get elected. You can also see what progress they are doing on their jobs.

    We vote for people without even knowing what they will do
    after they are elected. So, they run around in their jobs.
    Doing little or nothing at all. Until the next election.
    We cannot check their performances, because we dont have
    a guide (platform) of what they have to do.

    [Reply]

    admin Reply:

    hyden,

    exactly. also, asking for platforms will make our candidates think really hard about solutions.

    [Reply]

Leave A Comment...

Blog Widget by LinkWithin